January 26, 2013. Araw ng pinlanong akyat at ang napili… bundok ng Manalmon. Ako ang nag-suggest nito dahil matagal ko narin syang gustong akyatin. Sa orihinal na plano ni Ugi, aabot kami ng sampu pero naging lima nalang.
Ang mga dumalo… Ako, Kashogi, AJ, Paddex at Allan.
Nagaalangan pako sumama sa akyat nung malaman kong may photoshoot ang Litratistas sa SM CCP. Sayang naman kasi at ipapakilala daw kami sa mga models. Aba, pribelehiyo ata yun. Kaya pinabago ko ang IT namin na agahan ang paguwi. Okay na sana kaya lang napatingin ako sa PAGASA website. May bagyong papalapit sa Metro Manila. Sa sariling tantya ko, aabutin ang Bulacan ng Sabado. Ayoko na naman tuloy umalis. Ako ang taong gusto ng asul na kalangitan pag umaalis. Di baleng mainit basta wag lang umuulan. Subali’t napilitan parin ako na tumuloy sa Baliwag Transit. Alas diyes ng ako’y makarating. Nadatnan si Kashogi at AJ na kanina pa ata naghihintay. Sinusubukan ko silang kumbinsihin na hindi nako sasama dahil hindi ko gusto ang panahon sa dilim ng mga ulap. Balak kong ipahiram ang tent at bumatsi na. Sinubukan ko rin ang ‘the maycon moves’ na baka magkabadtripan lang kami duon. Pero bigo ako. Dumating si Paddex at Allan. Onting kamustahan at kami’y sumakay narin. Tenterti nilisan ang Cubao. Wanhandredsebentin ang pamasahe hanggang San Miguel, Bulacan. Kwentuhan… gumanda ang panahon… at ako’y nakatulog.
Pagkatapos ng higit dalawang oras, bumaba kami sa Barangay Kamias. Pagbaba namin, may dalawang traysikel agad ang lumapit. Hindi ko nakita kung galing ba sila sa pila. Kontrata agad. 240 ang isang byahe. Hindi pede kaming lima sa iisang traysikel lang kaya sabi ko kakain muna kami upang makapagisip. Nagtingin tingin at may nakitang gotohan. May mga ulam kaya lang… walang kanin. Nakasunod parin ang dalawang traysikel. Wala na kaming makakainan kundi ang sinabi nilang madadaanan na karinderya. Sinubukan kong lumapit sa isang traysikel na nagbaba sa aming tapat. Pwede raw sa kanya 200 at kaming lima pero nagsilapitan yung mga traysikel drayber. Hindi pala pwede ang ganon dahil may pila. Tama nga naman sila. Sinubukan ko paring tumawad at binigay samin ng 220. Basta makamenos sige payag na.
Ilang minuto byahe, nakarating kami sa karinderyang may sikat na papaitan. Sinalubong kami ng ngiti ng mga dalagitang tindera. Nakita si Paddex at nakita ang buhok na parang afro. “Koya pede pahipo?” Tawanan kami at pinahipo naman nya. Natuwa din sa atey.
Umorder nako ng papaitan. Masarap naman sya hindi nga lang kasinsarap ng luto ni Olivia. Hindi sya mapait. Parang papaitan lang ng Aysis sa Pasig. portipayb ang isa at sampu para kanin. Nag-extra rice pako dahil sa gutom. Masarap kumain dun dahil kwela ang mga tindera.
Balik byahe sa traysikel. Diretso tapos kumaliwa hanggang sa marating ang dulo. Bayad ng noventa singko dahil daw may entrance fee ang traysikel. Parang lahat nalang ata may bayad!
Unting lakad lang ay ilog na. May dalawang paraan para tumawid, ang balsa na limampiso isang tao at ang Monkey Bridge na libre pero tutulay ka sa kawad na bakal. Dahil kami’y may mga bitbit, pinili namin ang balsa.
Jump off point. Sitio Madlum, Barangay Sibul, San Miguel
Diretso kami sa tahanan at tindahan ni Aling Cecil. Nagparehistro ng aming mga pangalan. Kumuha ng guide para sa Madlum Cave. Wampipti ang bayad para sa lima. Si Tatay Tonying o Antonio Conderas ang aming guide. Iniwan namin ang gamit sa tindahan. Umarkila ng tatlong headlamps dahil wala kami dala kahit planado naman ang akyat. Ewan ko ba. Trenta ang isang headllamp.
Balik kami sa balsa at tumawid. Wala na raw bayad pag pupunta naman ng cave. Lakad sa matarik na daan paakyat hanggang marating ang bukana ng kuweba ni Madlum.
Tuyo ang kuweba ng aming pinasok. Pabor sa amin. Marami kinukwento si tatay kaya lang hindi ko maintindihan ang karamihan. Panay “aaaaahhh” nalang ang nababanggit ko kay tatay Tonying. Magaling na guide si tatay. Itinuturo nya ang mga dapat mong gawin para mas ligtas ka makababa o makaakyat sa mga obstacles ng kuweba. Unang pagsubok ay mini rappel. Sisiw lang sakin. Hindi ako takot
dumepende sa tali kaya madali ako nakababa tulad ni AJ.
dumepende sa tali kaya madali ako nakababa tulad ni AJ.
Malamig sa loob. Sumuong, yumuko, tumagilid, dumapa, gumapang at umupo. Narating namin ang musicroom. Nagpapatugtog si Paddex gamit ang mga rock formations. Masarap sa pandinig. Narating namin ang pinakamahirap na challenge. Naabutan pa namin ang kasunurang grupo na puro babae pero olats. Pahinga muna at syempre picture taking. Pakiramdam ko ako si Lara Croft. Kulang nalang baril at mga kalabang hayop. Dalawang oras kami sa aming cave adventure.
Eto ang pinakamahirap na parte ng kweba dahil kailangan mo yumakap sa bato at itulak ang sarili papasok.
Balik kami sa ilog pero hindi na kami nag balsa. Dumiretso kami sa Monkey Bridge. Nanguna agad si tatay sa pagtawid. Kami naman ay excited kahit ang iba ay kinakabahan. Sisiw lang samin ni AJ pero yung tatlo ang natatakot. Nalaman kong may fear of heights pla tong si Kashogi. Buti di sya nalulula sa tangkad nya. Ladies first. Tinawid ni AJ ang tulay ng mga tatlong minuto. Sumunod si Paddex… si Kashogi, pinadala pa sakin ang camera nya sakaling mahulog daw sya pero si Allan din ang nagtawid. Di naman sobrang delikado ang pagtawid sa Monkey Bridge. Natural ang pag-ugoy ng inaapakan. Ang mahalaga ay nakakapit sa tali. Unti unti lang makakarating din. Masarap sya subukan. Nakaka-excite at maganda rin ang view pag nasa gitna ka na.
Nagpahinga unti. Bumili ng long neck matador at lumakad na rin para umabot sa sunset. May dadaanang kweba pero saglit lang. Tatawiring ilog na hanggang binti lang ang lalim. Walang isang oras at nakarating kami sa campsite.
Maluwag ang campsite at sa bilang ko, tatlong grupo lang ang aming nadatnan. Si tatay diretso nagpitch ng duyan nya. Kami nama’y naglapag ng gamit at diretso sa summit upang magpictorial.
Ang tuktok ng bundok
Bumaba, nagpitch ng tent, naglatag ng ground sheet, naghanda ng mga makakain, nagsaing ng kanin, nagkwentuhan. Muli ay umakyat ako sa summit upang kumuha ulet ng litrato.
Makaraan ang mahigit kalahating oras… bumaba na ako. Sumakit ang aking mata dahil hirap ako makakita sa dilim kapag walang salamin. Maya maya’y nakatulog ako. Ginigising ako para kumain pero mas gusto ko pa matulog. Naalimpungatan habang sila’y nagiinuman. Nagising ako ng alas kwatro at di na makatulog. Naghanap ng tirang ulam. May tatlong piraso pa ng manok. Kumain ako ng dalawa at onting kanin. Busog. Nagliwaliw magisa. Nag e-cig. Kumain pa ulet ng dalang tinapay. Dahil di nako makatulog at malakas rin ang hilik ni Ugi. Nagpasya akong tumambay sa summit. Kinuha ko ang camera ko at ni Ugi. Masarap ang hangin sa taas. Hindi nanunuot sa laman ang lamig. Katamtaman lang s’aking pakiramdam. Napakaganda ng kalangitan. Walang mga ulap. Puro bituin lang ang makikita. Nakatingin lang ako sa kawalan at sa buwan. Hindi ako makapagisip. Natural na tulala lang. Ilang kuha pa ng litrato gamit ang camera ni Ugi nang biglang… empty battery. Patay!
Ang palubog na buwan sa madaling araw
Nagising narin si AJ at umakyat sa summit. Siya ang gumising at nagpadala ng masamang balita kay Ugi. May galit at tampo si titser. Nagmoments nalang sya habang nakatingin sa papalapit na umaga. Nagsidatingan narin ang ibang mountaineers para kumuha ng litrato. Nagkape na kami sa taas at nagkwentuhan tungkol sa Happiness ni Paddex. Palowbat narin ang camera ko. Bumaba kami at nag-break camp. Muling umakyat sa summit ang grupo kasama si tatay para sa group shot pero bigo dahil bumigay narin ang baterya ni Lumia.
Bumaba kami sa ibang daanan. Parang traverse. Dire-diretso lang pero parang matagal kumpara sa dinaanan namin kahapon. May nadaanan kaming pwesto ng ilog na may maraming naliligo. Sayang at hindi nakuhanan ng litrato kaya tumambay muna kami at nagpahinga saglit. Matapos kumain ng baong cheesebread, yan yan at Alpine evaporada… nagpatuloy na kami. Halos tatlumpong minutong paglalakad, nakabalik kami sa barangay.
Pumwesto sa malilim at malapit sa ilog. Hindi na kami nagluto ng makakain dahil merong nagtitinda ng pagkain. Umorder ako ng kalderetang baboy na kakapiranggot, sila nama’y tilapiang gata, mountain dew, kape at may kumakalabit na aso bukod kay Wendy.
Matapos kumain at magpahinga, naligo na kami. Nagsimula ang pictorial, kalokohan at photoshoot ni AJ.
Inggit siguro ang ibang grupo dahil tanging si AJ lang ang may dating. ^_^
Inggit siguro ang ibang grupo dahil tanging si AJ lang ang may dating. ^_^
Pareho parin ang pamasahe pabalik. Diretso kaming binaba sa istasyon ng bus. Tulog ulet at pagdating sa farmers, kumain ng hapunan at naglaro ng DOTA. Umuwi akong masaya. Bukod sa magandang adventure ay panalo sa dota.
No comments:
Post a Comment